Lunes, Enero 14, 2013


Pagibig sa Tinubuang Lupa
ni Andres Bonifacio

Repleksyon ni Jolina Latay

                Sa pagkadaan ng maraming taon, marami nang nagbago sa mga Pilipino noon sa ngayon dahil nagiging bukas ang isipan natin sa mga kultura ng ibang bansa. Marami nang nabawas at nadagdag sa kulturang Pilipino kaso ang nakakalungkot ay sa panahon ngayon, mas maraming nababawas sa kultura dahil sa mga impluwensyang nakukuha natin sa ibang bansa. At dahil dito, nakita ko na ang tula ni Andres Bonifacio na Pag-ibig sa Tinubuang Lupa na tungkol sa pagmamahal sa sariling bayan ay nakakapagbukas ng mata sa ating mga Pilipino. Tinutulungan tayong ibalik ang mga nawala at lalo pa nating mahalin an gating bansa. Ang tulang ito ay nagsasabi na wala nang hihigit pa sa pagmamahal na katulad sa pagmamahal sa ating bansa. Ang buhay natin ay kailangan nating ialay sa ating bansa dahil ditto tayo nagmula at nagsimula. Pagkabasa ko ng tulang ito, marami akong naisip at marami rin akong natutunan bilang isang Pilipino.

             Una ay ang ialay ang ating buhay sa ating bansa. Bilang isang estudyante, marami tayong pwedeng gawin para sa ating bansa. Sa maliliit na bagay ay maari na nating maipakita na tayo ay Pilipino at mahal natin ang ating bansa. Katulad nang pagtangkilik sa mga produktong Pilipino. Madaling sabihin pero mahirap gawin dahil ako sa sarili ko ay walang tiwala sa mga produktong Pilipino dahil sa pagkakaalam ko na hindi ito matitibay katulad sa ibang bansa at hindi tayo "in" sa trend ng ngayong henerasyon. Kaya ang kailangan gawin natin ay alisin natin sa ating isipan ang stereotype sa mga produkto ng Pilipino. Sa pagtangkilik natin sa ating mga produkto ay matutulungan na rin natin ang pagunlad ng Pilipinas.

             Pangalawa ay ang pagmamahal sa ating kultura. Taas noo nating ipagmalaki na tayo ay Pilipino dahil unang una kung mahal natin ang ating kulturang Pilipino ay hindi tayo mahihirapan na ialay ang ating buhay sa ating tinubuang lupa. Ang isang linya na nakaagaw pansin sa akin ay "Kayong mga dukhang walang tanging (lasap) kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap, ampunin ang bayan kung nasa ay lunas sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat." Kung mamahalin lang natin ang ating bansa ng buong buo at totoo, lahat tayong mga Pilipino ay uunlad. Lahat tayo ay mabubuhay na may ginhawa.

             Ang huli ay ang pwede nating gawin para makilala ng buong mundo ang Pilipinas. Bakit kailangan malaman ng ibang bansa ang bansa natin? Dahil alam natin na meron tayong ipagmamalaki at hindi lang tayo isang mahirap na bansa. Hindi man natin maipakita ito base sa yaman ng bansa, maipapakita naman natin ang yaman ng pagmamahal ng isang Pilipino. Ang nagmulat sa aking isipan ay "Nasaan ang dangal ng mga Tagalog, nasaan ang dugong dapat na ibuhos? bayan ay inaapi, bakit di kumikilos? at natitilihang ito’y mapanuod."Ako ay isang Pilipino, na wala pang nagagawa sa sarili kong bansa, ay dapat maghanda at kumilos para tulungan umunlad ang Pilipinas. Mahalin natin ang sarili nating bansa dahil ito lang ang makakapagsabi kung sino talaga tayo.